­

Sana...Mabasa Mo

2:13 AM

GINUSTO kita upang makatakas sa isang delubyong halos bumiyak sa buo kong pagkatao.
PINILIT kong ibaling ang pagtingin sa'yo upang isip ko'y di na muling malito.
MASAYA ako sa simula. Masaya akong makita kang ngumingiti.
Ngunit sa pagdaan ng mga araw, naging mas importante ang mga ngiting ito sa paraang higit pa sa inaakala ko.
Larawa't hugis ng mukha mo ay animo'y nakaukit na sa isipan, na tila ba isang ala-alang hirap kong kalimutan.
Sadya nga ba akong nahulog sa'yo? O nahulog lamang sa malalim na pagtingin kong ito?
Ginusto ko ang gustuhin ka upang makalayo't makawala sa delubyong muntik ng nagpahinto sa umiikot ngunit unti-unting tumataob kong mundo.
Ngunit mali nga ata'ng ginusto kita.
Mali nga ata'ng lumiko ako, piliin at tahakin ang landas na ito.
Ang pagpili ko sa'yo ay tila pagtalon sa rumaragasang alon ng karagatan na inakala kong natitirang paraan na mayroon na lamang ako upang takasan ang mapait na sitwasong nagbigay kulay ngunit muntik ring tumapos sa buhay ko.
Ngunit sa halip na makatulong, nahirapan akong lumangoy.
Natangay ako ng malalaking alon na pilit akong hinahampas pabalik at palayo sa kailalimang sulok ng karagatan.
At hanggang ngayon ay nasa pusod pa rin ako ng malawak na karagatang ito.
Lumalangoy. Nalulunod. Lumalangoy ulit. Ang hirap. Nakakapagod.
Sana maisalba ko pa ang sarili ko.
Sana makaligtas ako.
Sana hindi ako nagkamali sa landas na tinahak ko.
Sana hindi ako nagkamali sa'yo.
Sana.. Sana.





Photo Credit

You Might Also Like

0 comments

Subscribe